Pagsusuri Sa Nobela

April 5, 2018 | Author: Anonymous | Category: Documents
Report this link


Description

Pagsusuri sa Nobelang Ginto ang Kayumangging Lupa ni Dominador B. Mirasol Divine M. Españo 3-DPH Prof. Celedonia Cruz PASASALAMAT Isang taos sa pusong pasasalamat sa may-akda nitong nobelang “Ginto ang Kayumangging Lupa” ni Dominador Mirasol. Dahil sa kanyang obra ay namangha ang isipan ng tulad kong mambabasa sa sining ng pagkakalikha nitong naturang nobela. Punong-puno ng mga simbolo na isang pagpapatunay ng kanyang pagkamalikhain sa pagsulat. Nailarawan nitong mabuti sa aking isipan ang kwento sapagkat mahusay niya itong naipahayag sa pamamagitan ng mabisang pagsasa-ayos ng mga tagpo. Nawa’y di lamang ako ang mabigyang pagkakataon na mabasa ito sapagkat ang mga mumunting mamamayan na s’yang tinampok rito ay may karapatang makapagbasa rin. Nang sa ganoo’y madama nila na mayroong minsan nagtanggol sa kanila sa pamamagitan ng panitikan. Pasasalamat rin sa Miguel de Benavides Library ng ating unibersidad sa pagpapahiram ng aklat dahil kung wala ito ay di ko mabasa ang buong nobela at di makapaghahanap ng tamang sangguniang aklat. 2 TALAAN NG NILALAMAN Pasasalamat……………………………………………………………………………………..2 Panimula Pagpapahalaga sa Nobela Batay sa Pagbasang Arketaypal………………………4 Ang May-akda…………………………………………………………………………...5 Maikling Kasaysayan ng Nobela………………………………………………………6 Nilalaman Pagsusuri ng Tagpuan………………………………………………………………….7 Pagsusuri ng mga Tauhan……………………………………………………………..8 Pagbibigay Aplikasyon sa Pagbasang Arketaypal…………………………………..9 Kongklusyon/ Rekomendasyon………………………………………………………………11 Talasanggunian……………………………………………………………………………......13 3 PANIMULA Patuloy ang pagyaman ng Literaturang Pilipino. Tila malayo na nga ito sa dating literaturang nakamulatan natin mula pa nang dumating ang mga inakala nating mga kaibigang dayuhan na s’yang nagpakilala sa atin ng ating pangunahing relihiyon ngayon sa bansa. Malawak na ang pinaghugutang inspirasyon ng bawat manunulat na Pilipino ‘pag dating sa usaping Literatura, malayo na ang agwat ng panahon ng Noli at El Fili ni Dr. Rizal sa makabagong henerasyon ng mga nobelang Pilipino. Kung kaya’t ninais ng mambabasang tulad ko na suriin ang isa sa mga nabanggit na makabagong obra, bagaman hindi ito kahanay ng simula ng taong ika-dalawang libo, ito’y napapabilang naman sa panahon ng aking kabataan, taong 1998. Ninais kong makita kung may pagkakapareho ang kasalukuyang naturang nobela ni Mirasol sa mga akda ng ating pambansang bayani sapagkat sa palagay ng karamihan ay pareho itong sumasalamin sa realidad ng buhay gaya ng kalagayang panlipunan ng magkaibang panahon, kasawian ng mga pangunahing tauhan at kung paano nila hinarap ang mga hamon nito sa kani-kanilang buhay. Pagpapahalaga sa Nobela Batay sa Pagbasang Arketaypal Ang pagbasang Arketaypal ang napiling gamitin sapagkat kitang-kita sa nilalaman ng nobela ang mga simbolo na maaaring may kinalaman at lalong nagpapadiin sa hiwaga ng nobela. Nakasaad sa aklat na sinulat ni Leodivico Lacsamana na ang pagbasang arketaypal ay tinatawag ding pagbasang mitolohikal. Dagdag pa nito’y ang ganitong uri 4 ng pagbasa ay naimpluwensyahan ng mga paniniwala ng dulog sikolohikal at antropolohikal. Ganito ang sinasabi ni Soledad Reyes, isang batikang manunulat, tungkol sa pagbasang arketaypal: “… ang banghay, mga tauhan, tema, at mga imahen sa mga akda ay mga komplikasyon o interpretasyon ng mga magkakatulad na elemento sa mga matatandang mito at alamat… Samakatwid, ang diin sa mga akdang sinuri ay nananatili roon sa paulit-ulit na paglitaw ng mga imahen at simbolo ng may ugat sa higit na matatanda at establisadong mga imahen at simbolo.” Ayon rin kay Lacasamana, sumusuri at sumusuyod ang pagbasang ito sa pangkalahatang antas ng kultura at lagay na kaalaman at kaisipan ng mga taong tinutukoy sa akda. Ayon kay Carl Gustav Jung, isang Swiss psychiatrist, ang mga debuho o padrong ito ng buhay ay nakatanim o nakabaon nang malalim sa collective unconscious ng mga tao o sa kanilang mga naiwang alaala sa isipan, at patuloy na bumabalik-balik ang mga ito sa bawat salinlahi at bawat panahon. Sa pagbasang arketaypal, ang mga padron o kaayusan sa buhay na matatagpuan sa mga akda, ay sinasabing matatagpuan din sa lahat ng uri ng tao sa buong daigdig, at siyang pinagmumulan ng mga tema ng pinakamakabuluhang mga akda, namamalayan man ito o hindi ng manunulat. Ang May-akda Si Dominador Mirasol ay isang premyadong manunulat at likas siyang tahimik. Matimpi at makapangyarihan ang bawat akda ni Mirasol tulad ng tula. 5 Maraming naisulat niya tulad ng Mga Aso sa Lagarian, Mga Bangkay sa Dalampasigan ng mga Uwak, Mga Agos ng Disyerto at Maligno. Si Ka Domeng ay isa sa mga magigiting na may-akda ng "Mga Agos sa Disyerto" (kasama sina Efren Abueg, Rogelio Ordoñez, Rogelio Sikat, at Edgardo Reyes). Ang kalipunan ng mga akdang nagpatunay na sa sariling wika higit na malalasap ang hapdi ng pang-aapi at pangbubusabos; ang pagiging aba ng pagiging mahirap; at ang talas ng mga salita sa mga nagbibingi-bingihan at nagkukunwaring makatao. Ang may-akda ng "Mga Aso sa Lagarian (1964)," at "Mga Bangkay sa Dalampasigan ng mga Uwak (1970)," na kapwa nagtamo ng unang gantimpala sa pagsulat ng maikling kwento sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Maging sa pagsulat ng nobela ay ginawaran rin siya ng Liwayway ng Ikalawang Gantimpala para sa "Apoy sa Madaling Araw," na kasama niyang may-akda ang isa ring premyadong manunulat na si Rogelio Ordoñez. (Perla S. Carpio, Agosto 2009) Maikling Kasaysayan ng Nobela Ang nobela ni Mirasol ay unang lumabas bilang isang serye sa Magasing SAGISAG ng Department of Public Information (DPI) noong 1979 at nalimbag bilang isang bahagi ng aklat na Panitikan at Kritisismo na inedit ni Rosario Torres-Yu. At bukod pa rito’y nagwagi ng Tanging Gantimpala sa Timpalak sa Nobela Tagalog ng CCP o Cultural Center of the Philippines. 6 NILALAMAN Pagsusuri ng Tagpuan (Setting Analysis) Ang mga tauhan sa kwento lalo ang mga magsasakang taga-Mauwak, sa simula pa lamang ay hindi na nakatikim ng mapayapang pamumuhay mula noong sila’y may lupa pang sinasaka hangang sa makaalis roon at naghanap ng panibagong simula. Mahigpit ang pagkakaugnay ng mga tauhan sa lupa. Bagaman nagpakalayu-layo ang mga taga-Mauwak at napadpad sa Gitnang Luzon, di nawala ang kanilang pagmamahal sa lupa, lalung lalo na si Moises Dimasupil. Pinagyaman n’ya ang natuklasan lugar sa isang kagubatan habang nagtatrabaho sa isang lagarian at di nagtagal pinatira ang buong mag-anak. Ang kagubatang ito na parte lamang ng isa sa mga kabundukan sa Sierra Madre ay siyang naging daan upang unti-unti mabuo ang mga pangarap ng kanilang mga anak. Bagaman payak ang pamumuhay, nagsilbi itong mahalagang ariarian nila. Ito rin ang lugar kung saan nagkaisa ang mga taga nayon ni Moises at kapwa n’ya kaingero na lumaban para sa kanilang lupain. Ginamit nilang kasangkapan ang kagubatan na tila akmang –akma ang mga yaman ng kalikasan sa paggawa nila ng mga munting armas at patibong upang mapagtagumpayan ang mga nagtatangkang magpalayas sa kanilang lupain. Ngunit hindi lamang iyon ang ginampanan ng lupaing iyon samakatwid ang pagiging mahiwaga nito sa pamamagitan ng mga tanawing nababanggit sa nobela ang s’yang nagpapaganda sa kwento at dahil sa ilalim ng lupa na rin sinasabing nakabaon ang gintong pinag-ugatan ng ganid ng alkalde at dalawang Amerikano. 7 Pagsusuri ng mga Tauhan (Character Analysis) • Moises Dimasupil – ang pangunahing tauhan sa kwento, mapagtimpi at mahinahon at s’ya ang magsisilbing tagapagligtas ng kanilang nayon • Tinay Dimasupil – ang asawa ni Moises at magiging kaagapay niya sa pagtatanggol sa kanilang lupain at mag-anak • Tante Dimasupil – s’ya ang nagparaya sa kapatid na si Francisco na mag-aral sa Maynila at s’yang pumalit sa ama ng ito’y maparalisa • Francisco Dimasupil – s’ya ang pinakamatalino sa magkakapatid, ninais na magkapagtapos sa Maynila kung kaya’t umalis at nakipagsapalaran doon ngunit sa lupit ng tadhana sa kanya ay napilitang isuko ang pangarap at sumapi sa HUKBALAHAP • Senyor de Salazar – mula sa angkang de Salazar na umano’y nagsimula ang lahi sa Pilipinas noong lihim na nagkarelasyon sa Prayleng Dominikano sa isang Espanyola, naging malupit at di pataas sa kita sa lupaing sinasaka ng mga tagaMauwak Mga Taga-Mauwak • Tata Berong, Ka Asyas at Ba Islaw – ang 3 ama ng kabataang pinaghinalaang nagsipagnakaw sa konohan ng Senyor, sila ang nagpasiklab ng damdamin ng mga kabataan upang mapatay ang Senyor • Pastor – kababata’t matalik na kaibigan ni Moises at sa huli’y di iniwan nito hanggang sa nakamit nila ang tagumpay • Mando – Pinuno ng mga kabataang lumaban sa Senyor at di naglaoy naging isang miyembro ng isang kilusang laban sa pamahalaan 8 • Lucas – isa sa mga kababaryo ni Moises ngunit di nagtiwala kung kaya’t nasawi sa engkwentro ng mga taga nayon laban sa pangkat ng alkalde. • Goryo – kaibigan ng pamilya ni Pastor na isang atsero sa lagarian sa dakong Sierra Madre at nagsilbing pag-asa ng mga taga-nayon upang magsimula muli sa bagong lupain • Mang Pio – isang matandang kaingero na nagbunyag kay Moises sa lihim ng alkade at katuwang niya sa pamumuno sa pagtatanggol sa kanilang lupain • Alkalde – kasalukuyang namumuno sa bayan ng Quezon,ang utak sa likod ng pagpapalayas sa pamilyang Dimasupil sa kanilang lupain • Sundalong Pilipino – ang nagpangggap na baliw at s’yang nakaka-alam kung nasaan naroon ang bare-baretang ginto. Bawat isa sa mga tauhan ay magkakaugnay dahil sa kani-kanilang pagkaka-ugat sa lupa- ang lupang nagtataglay ng ginto. Bawat isa’y may mahalagang tungkuling ginampanan upang mapatingkad ang nobela. Pagbibigay Aplikasyon sa Pagbasang Arketaypal Ang nobelang ito ni Mirasol ay nagtataglay ng mga simbolo at imaheng nagpapatingkad sa isang arketaypal na pagbasa. Nangungunang halimbawa rito ay ang pangalang Moises Dimasupil ang pangunahing tauhang lalaki ay isang alusyon o di tuwirang pagtukoy sa Moises sa Bibliya. Ang kapansin-pansin ang apelyido n’yang Dimasupil na halatang pinalalakas ang katauhan nito dahil na rin sa nangangahulugan itong di masusupil o di matatalo ng kahit sinuman. Ang paghahanap ni Moises sa tunay na Diyos sa Bibliya ay umaakma sa ginawang paghahanap at paglalakbay ng 9 pangunahing tauhan sa nobela. Sumisimbolo rin si Moises Dimasupil ng isang lalaking Kristo sa pagsagip sa isang bayan o grupong inaapi at pinagsasamantalahan. Ang ginawa nilang paglikas sa kanilang nayon ay sumasagisag din sa pagtakas mga Israelita sa kalupitan ng mga Paraon at humanap ng bagong lupain sa pangunguna nito. Ang kabundukan ay isang napakahalagang imahen sa nobela sapagkat ito’y nababalutan ng hiwaga na tanda ng kapangyarihan, puripikasyon at transpigurasyon. Matatandaang sa kabundukan ibinigay ni Yahweh kay Moises ang Sampung Utos ng Diyos; sa bundok rin ipinakita ni Hesus ang kanyang pagka-Diyos. Nariyan rin ang paglitaw ng isang higanteng ahas sa nobela na maaaring sumagisag sa lahat ng pagsubok na kahaharapin ni Moises sa nobela. Nanginibabaw sa nobela ang tono ng mga nagagalit na boses, ng mga nagsasalungatang mithiin, at mga paos ng tinig na pilit na naghahanap ng katarungan. Paulit-ulit sa nobela ang mga eksenang punong-puno ng pagtutol sa mga mapangaping “pwersa” sa lipunan. Makikitang nilayon ng nobela ang paglalantad sa mga taong mapagsamantala at sa mga kasabwat nila sa paggawa ng kasamaan. Tinuturol din nito ang paglalatag ng mga mekanismo upang malabanan ang mga kasamaang ito, matunton ang ugat ng mga ito, at malapatan ng mga angkop na solusyon. 10 KONGKLUSYON/ REKOMENDASYON Ang pagkabayan ba ng isang tao’y masusukat sa kanyang mga nagawa para sa bayan? Sa palagay ko ay hindi lamang dapat ganoong aspeto ang maging batayan. Katulad na lamang ng akdang ito na isinulat ni Dominador Mirasol, kapansin-pansin na sa una’y ang himig ng may-akda ay may pahiwatig ng pagtitimpi n’ya sa pang-aapi ng lipunan, ito’y kanyang tiniis sapagkat alam n’yang hindi dapat sa dahas gamitin ang katarungan. Kinasangkapan ng may-akda ang kanyang nobela upang mapahatid sa mga mambabasa ang kalagayan ng ating lipunan sa ngayon, oo, tama nga na tayo’y malaya na sa mga dayuhang sumakop sa ating bayan ngunit tila sa pinahayag nito rito’y hindi pa lubusan sapagkat ang mismong mga Pilipino sa kanyang kapwa Pilipino’y aliping na hindi kayang kumalas sa mapag-alipustang “Senyor”. Maaaring mapanghimagsik nga ang tono nito ngunit nais lamang na ilantad ng nobela ang mga katiwalian ngayon ng ilang mga umuupong opisyal ng pamahalaan. Kung sino pa ang dapat magpatupad ng kaukulang batas ay s’ya pang lumalabag rito. Masaklap isiping na sa nobela ang pinuno ng isang bayan ang s’yang pasimuno ng walang habas na pamamaril sa mga walang laban mga kaingero’t magsasaka ng nayong Mauwak. Hindi naman puro galit ang nakapaloob sa akda, bagkus ipinakita na sa bawat kasawian nating mga Pilipino ay hindi natin nakakalimutang maging masaya at ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagpapatawa sa katunayan, makikita roon na sa gitna pa ng krisis ay nagagawa pang magbiro ng mga Pilipino. Tunay ngang kaakibat ng mga kasawiang ito ay ang pag-asa. Ang mga Pilipino kapag nasusugatan ay lalong tumatapang! Ang patunay rito’y ang sa umpisang 11 pagtitimpi ni Moises Dimasupil na sa kalagayan nilang mag-anak na tipong ginawa ang lahat maging ligal lamang at di mapaalis sa kanilang pinagtiyagaang hanawing lupain at nang lumabis ay natutong lumaban para sa kanyang pamilya. Kitang-kita ang bayanihan sa panahon ng kagipitan at makikita ang mga tunay na kaibigan sa panahong iyan. Ang mga nagtangkang umiwas tulad ni Lucio at ng iba pang kasamahan ay lalong nagtulak sa kanila sa kamatayan. Kaawa-awa ngunit kailangang magbuwis ng buhay alang-alang sa marami. Ngunit ang higit na di katanggap-tanggap sa buhay na ito na ang “ginto na nakakasilaw sa kinang ang s’yang pagmumulan ng ganid ng iilan, kasakiman at sukdulang kasamaan at pumatay maangkin lamang!” Hinahangad kong maisapelikula ang nobelang ito upang mabatid ng lahat na ang magsasakang Pilipino ay dapat mabigyan ng katarungan sa kanilang sinasakang lupa at nawa’y magkaroon ng karagdagan sa kwento sapagkat nais kong makita kung ano ang kahihinatnan ng gaya ni Francisco Dimasupil sa pagsapi sa HUKBALAHAP na alam naman nating hinubog na isang mabuting tao ng kanyang mga magulang ngunit kung bakit ay nagbago at sumapi sa kilusan. Ganito ba ang nararapat sa kanyang nais lamang ay maitaguyod ang pamilya sa pamamagitan ng kanyang katalinuhan? 12 TALASANGGUNIAN Mga Aklat Lacsamana, Leodivico, Ph.D. Filipino: Wika at Panitikan sa Makabagong Henerasyon III. Makati City: Diwa Scholastic Press. Inc., dd. 280-283, 2003 Mirasol, Dominador. Ginto ang Kayumangging Lupa. Quezon City: U.P. Press Printery Division, 1998 Mula sa Internet Perla S. Carpio, DF, PUP News, Volume VI, Isyu No. 15, Agosto 1-15, 2009 http://www.pup.edu.ph/newscenter/?id=325 13


Comments

Copyright © 2024 UPDOCS Inc.