Paano ba pumili ng karapat-dapat na kandidato? Naalala ko noong unang beses akong bumoto ilang taon na ang nakararaan, sabik na sabik ako noon. Maaga kami gumising ni nanay at ni kuya upang hindi abutan ng mahabang pila. Alas sais y media kami dumating sa paaralan kung saan naroon ang mga prisintong gaganapan ng botohan. Marami nang taong naglisawan, tila may iba pang inaabangan bukod sa halalan. Ang mga kabataan, wari’y naghihintayan ng mga kasabayan. Ang mga magkakapamilya nama’y langkay langkay ang pagdating, parang kami. Ang eleksyon nga naman dito sa atin, parang isang malaking handaan. Ang mga kababayan at kapit-bahay mong matagal nang ‘di nakikita ay nagsiuwian upang bumoto. Siguro ang iba’y umuwi hindi para bumoto, kundi para lang makibalita, makiusyoso. Minsan lang kasi ang ganitong holiday. Malayo pa ang halalan nag-lista na kami ni kuya ng mga iboboto namin. Inaamin kong hindi ko kilala lahat ng binoto ko, lalo na yung mga taga-rito sa Sta. Rita. Hindi kasi kami pala –labas ni kuya dito at wala kaming gaanong kakilala. Masmadalas din kaming nasa Maynila kaysa dito, dahil sa aming mga trabaho. Hinanap namin ang prisinto kung saan nakatala ang aming mga pangalan. Sigurado kayang nandirito ang aming pangalan? Paano kung hindi? May kaunting kaba habang lumalapit na ang oras ng aming pagboto. Sa wakas ay nakita rin namin ang tamang kwarto. “Ayun ang pangalan natin!”, lumapit kami upang magpakumpirma ng aming pagboto at binigyan kami ng balota. Pakiramdam ko’y parang nagsasagot kami ng pagsusulit ni kuya. Isang mahirap na pagsusulit. Kahit na mayroon na akong kodigo,nalilito pa rin ako. Kumbaga sa isang multiple choice test, di ko malaman kung anu ba ang aking bibilugan A? B? C? D? E? Di kasi gaya ng pagsusulit sa eskuwela, kung saan mayroong tama o maling sagot, sa pagboto, depende sa tao ang tama o mali. Lahat ng isusulat mo sa balota ay ituturing na tama sapagkat ang pagboto ay isang karapatan na itinuturing ng ating lipunan. Walang tama, walang mali. Lumalabas na lamang ang tama o mali kapag nailuklok na sa puwesto ang mga kandidato. Ngayon nga hindi ko na malaman kung sino ang totoo sa hindi sa mga napapanood kong tinagurian nilang “info-mercial”. Ang sabi ng kaibigan kong ahente sa telebisyon, “infomercial” nga daw ang tawag sa mga commercial ng mga pulitiko. May isang tumulong sa pagpadyak ng pedicab, may isang nagpa-interbyu sa bahay na kanyang kinalakhan, maliit at tumutulo ang bubong, may mga testimonial ng mga taong natulungan. Sa loob-loob ko, anong klaseng impormasyon ang nakukuha ng mga tao sa mga pabalat bungang ito? Ilang taon na rin ang nakaraan simula noong una akong bumoto. Mahirap mang aminin, marami akong naiboto noon na ngayon ay pinagsisisihan ko na. Gaya ng nasabi ko kanina, kapag nailuklok na ang mga pulitiko sa puwesto, saka lamang malalaman kung naging tama ang desisyon. Ngunit kung iisipin, sa ilang beses nating pagboto sa buong buhay natin, sana nama’y hindi tayo pulos pagkakamali. Kung nagkamali man ako sa pagboto noon, dapat maging masmatalino ako ngayon sa pagpili, upang maiwasan ang pagsisisi. Kaya naman ngayong darating na halalan, bibigyan ko ng panahon ang aking sarili na pumili ng mabuti. Kumbaga sa pagsusulit, kailangan mag-aral, mag-review. Hindi dapat umasa sa kodigo o sa pangogopya sa iboboto ng iba. Narito ang ilangmga hakbang na maaaring sundan sa pagpili ng tama at karapatdapat na kandidato: 1) Manuod, makinig at magbasa ng mga balita. Sa panahong sinusulat ko ito ay nag deklara na sa media ang ilang mga opisyal na tatakbo at magtatandem sa pagkapangulo at pangalawang pangulo. Siyempre bago pumili, alam dapat natin kung sino-sinu ang pagpipilian. 2) Kilalanin ang pipiliin. Sinasabing sa info-mercial daw ng mga pulitiko malalaman kung ano ang kanilang mga adhikain. Ngunit hindi dapat tayo magpadala sa mga info-mercial na ito lalo pa’t karamihan, kung hindi man lahat, ay umaapila sa damdamin ng mga manunuod at salat sa impormasyon. Hindi rin tayo dapat magpadala sa mga opinyon ng mga TV host, at iba pang mga personalidad sa telebisyon sapagkat may kanikanyang rin silang kinikilingan. Kinakailangang mayroon tayong sariling research. Para sa mga kandidato sa Pagkapangulo, pangalawang pangulo, mga senador at party-list, maaaring makakuha sa internet ng impormasyon tungkol sa kanilang pagkatao, ang kanilang mga hinawakang posisyon, mga nagawang batas o proyekto, mga pinaniniwalaan, mga sinusuportahang adhikain at iba pa. 3) Magtakda ng criteria o objective. Ang eleksyon ay parang isang talent show, o pageant. Mayroong criteria o basehan ang mga hurado sa pagpili. Tayo ang mga hurado sa halalan. Dapat mayroon tayong hinahanap na katangian sa mga kandidato. May kanya-kanyang gusto ang bawat tao. Isipin lamang natin kung alin sa mga katangiang ito ang magiging pinakamahalaga sa pamumuno. Malamang ang kakampihan natin ay yaong magsusulong sa ating kapakanan. Sana’y huwag lamang sariling kapakanan ang ating isipin, kundi ang kapakanan ng buong bayan. 4) Huwag magpa-impluwensya sa iba. Para sa mga Pilipino, mahirap gawin ito, lalo na sa lokal na halalan kung saan magkakakilala ng personal ang mga tao. Kung sino ang malapit sa iyong pamilya, sya ang pipiliin mo. Kung sino ang binoto ng magulang o ng mga kaibigan mo, siya rin ang pipiliin mo. Makatuwiran ang ganitong pagpili kung, sa iyong pagkakilala sa kandidatong ito, alam mong mabuti siyang tao at mahusay na lider. Hindi natin maiaalis na makinig sa mga taong iginagalang at pinaniniwalaan natin, gaya ng ating mga magulang at nakatatanda. Siguradong marami tayong matututunan sa kanila. Huwag lamang tayong magdesisyon ng hindi nag-iisip at basta na lamang susunod sa kung ano ang sinabi. Tandaan nating itinakda ang edad ng pagboto sa 18 anyos sapagkat inaasahang nasa hustong pag-iisip na ang botante. Hindi na tayo mga paslit na naka-depende ang mga desisyon sa ibang tao. Tayo mismo ay may sariling isip at dapat natin itong gamitin. 5) Manalangin. Manalangin tayo na gabayan tayo ng Diyos sa bawat hakbang ng ating pagpili at sa wakas ay makaboto tayo ng karapat-dapat na kandidato. 6) Itago ang listahan nga mga pinili. Hindi natatapos sa pagboto ang ating responsibilidad. Itago natin ang ating listahan ng mga ibinoto at sundan natin ang kanilang mga gawain sa loob ng kanilang paglilingkod. Saka natin malalaman kung karapat-dapat nga ba ang ating pinili.